
Inaasahang mas maraming kabataan ang makikinabang sa 10-Day Free Summer Sports Clinic 2026 sa Tuguegarao City bilang bahagi ng inisyatiba para sa produktibong summer break at upang mahasa ang kanilang kakayahan sa sports.
Ayon kay Dr Rey Ferrer, head ng Summer Sports Clinic 2026, bagamat pormal na sinimulan ang programa noong May 18, ngayong taon ay maaari pang humabol ang mga nais makilahok sa programa na para sa mga batang edad 15 pababa mula sa lungsod.
Sa loob ng sampung araw, sasailalim sila sa pagsasanay sa swimming, taekwando, chess, basketball, wushu, table tennis at lawn tennis na ginaganap sa iba’t ibang lugar sa lungsod.
Ito ay bukas para sa mga baguhan at trained athletes na nais malinang ang kanilang kakayahan at abilidad sa sports na kanilang pinili.
Sinabi ni Ferrer na layon din nitong maipamalas ang potential ng mga kabataan na magagamit sa mga national sports competition pagdating ng araw.
Matatandaan na nasa ika-6 na pwesto ang Lungsod sa katatapos na Cagayan Valley Regional Athletic Association (CaVRAA) 2026 sa Santiago City, Isabela.










