
Hindi nagpahuli ang kabataang Pilipino sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya matapos mag-uwi ng apat na medalya ang unang Philippine delegation sa International Olympiad in Artificial Intelligence o IOAI sa Astana, Kazakhstan.
Nasungkit ni Theo Lorenzo T. Bustamante ang silver medal, habang bronze naman sina Ellison Matthew S. Ang, Juan Mateo J. Desuasido at Jhareign S. Solidum.
Nakipagtagisan ang apat sa 466 estudyante mula sa 108 bansa at teritoryo, kung saan sinubok ang kanilang kaalaman sa mga larangan ng machine learning, computer vision, natural language processing at multimodal processing.
Kapansin-pansin ang kanilang tagumpay dahil sa panahon ngayon, mabilis nang nagiging bahagi ng pang-araw-araw na buhay ang artificial intelligence—mula sa edukasyon at komunikasyon hanggang sa negosyo at iba pang industriya.
Ipinakita ng mga kabataang Pinoy na hindi lamang marunong gumamit ng makabagong teknolohiya ang bagong henerasyon—kaya rin nilang lumikha, umunawa at makipagsabayan sa mundo ng artificial intelligence.
Sa kanilang tagumpay, muling napatunayan na may malaking potensyal ang kabataang Pilipino na maging bahagi ng susunod na henerasyon ng mga eksperto at lider sa teknolohiya.





