
Inaprubahan ng U.S. House of Representatives ang isang resolusyong naglalayong pigilan ang paglahok ng Amerika sa anumang giyera laban sa Iran hangga’t walang pahintulot mula sa Kongreso.
Naipasa ang Democratic-led war powers resolution sa botong 215-208, kung saan apat na Republican lawmakers ang nakisama sa mga Democrat sa pagsuporta sa panukala.
Ipinakita ng resulta ng botohan ang lumalaking pag-aalala ng mga mambabatas, kabilang ang ilang kaalyado ni US President Donald Trump, kaugnay ng nagpapatuloy na tensyon sa Iran.
Gayunman, kailangan pa itong maaprubahan ng Senado bago maging epektibo.
Kakailanganin din ng dalawang-katlong boto sa parehong kapulungan ng Kongreso upang mapawalang-bisa ang inaasahang veto ni Trump.
Ito na ang ikaapat na pagtatangka ng mga mambabatas na magpasa ng war powers resolution kaugnay ng Iran.
Noong nakaraang buwan, umusad din sa Senado ang kahalintulad na panukala matapos mabigo ang pitong naunang pagtatangka.










