
Kumpiyansa ang kampo ni Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez na matibay ang kanilang ebidensya sa kinakaharap na robbery extortion case laban kay Peanut Gallery Media Network founder Franco Mabanta at apat pang akusado.
Ito ang sinabi ni abogado Elaine Atienza matapos ang arraignment ng mga akusado sa Pasig City Regional Trial Court.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y pagbabanta ni Mabanta na ilalabas ang isang video report na nag-uugnay kay Romualdez sa umano’y flood control scandal kapalit ng hinihinging P350 milyon na kalaunan ay naging P300 milyon.
Naaresto si Mabanta at ang iba pang akusado sa isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation.
Iginiit din ng kampo ni Romualdez na hindi paglabag sa press freedom ang isinampang kaso at hinikayat ang publiko na maging mapanuri sa mga nakikita sa social media habang dinidinig ang usapin sa korte.
Samantala, inakusahan naman ni PGMN anchor CJ Hirro ang kampo ni Romualdez na gumagamit umano ng troll farms laban sa mga kritiko nito.
Nauna nang tinukoy ng NBI si Hirro bilang person of interest sa kaso, ngunit nilinaw ng kaniyang abogado na hindi ito nagtatago at sumunod naman sa ipinadalang subpoena.



