
Aapela ang kampo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos bawiin ng Philippine National Police (PNP) ang kanyang firearms license, ayon sa kanyang abogado.
Sinabi ni Atty. Israelito Torreon na maghahain sila ng motion for reconsideration sa PNP Firearms and Explosives Office, at iginiit na hindi dapat basta ma-revoke ang lisensya ng baril ng senador nang walang conviction o court order, alinsunod sa RA 10591.
Giit ng kampo ni Dela Rosa, mali umano ang basehan ng desisyon ng PNP at ng posisyon ng NBI tungkol sa hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC), na anila ay hindi isang lokal na korte sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
Nauna nang kinumpirma ng PNP na kinansela ang lisensya at inatasan ang pagdeposito ng mga baril ng senador, na kasalukuyan ding hinahanap kaugnay ng hiwalay na mga isyu na kinakaharap nito.









