
Nagpaalala ang Philippine National Police o PNP sa mga may-ari ng baril na tiyaking ligtas ang paghawak at pagtatago ng kanilang mga armas upang maiwasan ang hindi awtorisadong paggamit, lalo na ng mga menor de edad.
Inilunsad ng PNP Civil Security Group ang nationwide Gun Safety Advocacy Campaign kasunod ng tatlong insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban, Zamboanga City at South Cotabato.
Sa mga insidente, ginamit umano ang mga baril na pag-aari o iniisyu sa mga government personnel at napunta sa kamay ng mga estudyante.
Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., hindi dapat ipinagkakait ang kahalagahan ng gun safety at responsibilidad ng bawat gun owner na tiyaking ligtas at secure ang kanilang armas.
Inatasan na rin ang mga regional at local police unit na magsagawa ng mas malawak na information campaign, gun safety seminars at pakikipag-ugnayan sa mga gun owners at iba pang stakeholder.
Samantala, naghain si Akbayan Party-list Representative Chel Diokno ng resolusyon para sa nationwide safety audit, inspeksyon at inventory ng mga baril na pag-aari, hawak o iniisyu sa mga opisyal at kawani ng gobyerno.










