
Nakakuha na ng court warrant ang Philippine National Police (PNP) upang masuri ang mga kagamitang nakuha mula sa dating tirahan sa Pilipinas ni Thomas Markle Sr., ama ng Duchess of Sussex na si Meghan Markle.
Sa mga nakalipas na buwan, nakarekober ang mga awtoridad ng ilang daang larawan ng mga batang umano’y biktima ng sexual abuse na iniuugnay sa 82-anyos na si Markle Sr.
Kabilang sa mga nakumpiskang kagamitan ang apat na kahon na naglalaman ng mga computer, cellphone, hard drive at lumang videotape. Ipinagkatiwala ang mga ito sa kapatid sa labas ni Meghan na si Thomas Markle Jr.
Gayunman, kinailangan pa ng mga awtoridad sa Cebu na kumuha ng court order bago maisailalim sa pagsusuri ang mga naturang kagamitan.
Ayon sa mga awtoridad, kailangan munang matukoy kung paano napunta sa kustodiya ni Markle Sr. ang mga naturang materyal bago magpasya kung anong mga kaso ang maaaring isampa laban sa kaniya.
Mariing itinanggi ni Markle Sr. ang mga alegasyon, na kasalukuyan nang nasa Estados Unidos.
Sinabi naman ni Cebu Regional Prosecutor Graeme Elmido na determinado si Thomas Jr. na maimbestigahan ang kaniyang ama at dapat itong managot kung mapatutunayang may pananagutan.
Matatandaang noong 2019, sumulat sa Metropolitan Police ang dating asawa ni Markle Sr. na si Roslyn Loveless upang hilingin ang imbestigasyon sa mga alegasyon.
Pumanaw na si Loveless, ang unang asawa ni Markle Sr. at ina ng dalawa nitong anak bago siya nagpakasal sa ina ni Meghan.
Samantala, hindi na naging maganda ang relasyon ni Meghan at ng kaniyang ama mula noong 2018, kasunod ng mga alegasyon ng pang-aabuso nito sa mga kababaihan.
Nanirahan sa Pilipinas si Markle Sr. noong nakaraang taon bago bumalik sa Estados Unidos nitong Mayo. Kasalukuyan siyang nagpapagaling sa isang rehabilitation center sa Florida matapos putulin ang kaniyang paa.










