Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakaaresto sa isang Pilipino na sangkot umano sa tangkang pagpapuslit ng iligal na droga gamit ang isang chartered private jet sa Laos.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Allen Rae Co, mula Malaysia ang naturang eroplano at lumapag sa Laos, habang ang orihinal na flight plan nito ay patungong Pilipinas.

Sinabi ni Co na sinubukang isakay ang iligal na droga sa eroplano, ngunit nakumpiska ito ng crew matapos mapansin ang kargamento.

Hindi pa malinaw sa ngayon ang aktuwal na papel ng naarestong Pilipino, kaya patuloy na nakikipag-ugnayan ang PNP sa mga awtoridad sa Laos at Malaysia para sa karagdagang impormasyon.

Sa hiwalay na pulong-balitaan, sinabi naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mahigit 1.5 toneladang shabu na nasabat sa Laos at Thailand ang nakatakda sanang dalhin sa Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, nasa 521 kilograms ng shabu ang nakumpiska sa isang paliparan sa Laos noong October 1, na isasakay sana sa isang private jet patungong Pilipinas.

Kinilala rin ng PDEA ang naarestong Pilipino bilang alias ‘Fajad’, na dinakip kasama ang ilang Malaysian at Singaporean nationals.

Batay sa intelligence reports ng PDEA, isang Pilipinong kilala bilang alias ‘Boyet’ ang umano’y nagbayad para sa private jet at iniuugnay sa isang drug syndicate sa Mindanao.

Ayon sa ahensya, matagal na nilang mino-monitor si Boyet, ngunit nakalabas ito ng Pilipinas noong October 11 at pinaniniwalaang nasa Hong Kong.

Samantala, mahigit isang tonelada pang shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa Thailand mula sa isang sasakyang pandagat, na patungo rin sana sa Pilipinas.

Iniugnay ng PDEA ang dalawang shipment sa Sam Gor syndicate, isang transnational criminal group na sangkot sa illegal drug trade sa Golden Triangle region na kinabibilangan ng Laos, Thailand, at Myanmar.