Pumayag na ang kampo ni Vice President Sara Duterte na buksan ang nakasegelyong Bureau of Internal Revenue (BIR) box na naglalaman ng umano’y tax records nila ng kanyang asawang si Manases Carpio.

Gayunman, iginiit ng depensa na gawin ito sa isang executive session at hindi isapubliko ang mga dokumentong nasa loob nito.

Nauna nang tumutol ang kampo ni Duterte sa pagbubukas at pagmamarka sa BIR box bilang ebidensya sa impeachment trial.

Ngunit ayon sa House prosecution panel, binago na ng depensa ang kanilang posisyon, na itinuturing nilang positibong hakbang sa pagpapatuloy ng proseso.

Samantala, sinabi ni House prosecutor at ML Party-list Rep. Leila de Lima na hindi na kinakailangan ang executive session para lamang buksan at markahan ang mga dokumento bilang ebidensya.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, maaari namang pag-usapan sa susunod ang usapin ng confidentiality.

Inaasahan namang magsusumite ng kanilang tugon ang magkabilang panig sa inilabas na pre-trial order ng impeachment court sa loob ng tatlong araw o hanggang Hulyo 2.