Naniniwala si House Committee on Justice Chairperson Gerville Luistro na mahihirapan ang defense team na ipagtanggol si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.

Sinabi ni Luistro na lubhang napakarami ng mga ebidensya na ipinrisinta sa impeachment hearings sa Kamara.

Partikular na ipinunto ni Luistro ang umano’y discrepancies sa findings ng Anti-Money Laundering Council at sa SALN ni Duterte.

Hindi rin nito batid kung anong klaseng stratehiya ang maaaring gamitin ng kampo ng pangalawang pangulo sa Senate impeachment court.

Gayunman, binigyang-diin ng kongresista na may pagkakataon pa si Duterte na pabulaanan ang mga alegasyon at kontrahin ang mga ebidensya kapag nasa Senado na ang laban.

-- ADVERTISEMENT --

Maaari umanong magresulta ang paglilitis sa conviction, ngunit maaari ring mapawalang sala ang bise-presidente.

Samantala, inaasahan naman ni Luistro na ipapakita pa rin ng House of Representatives ang parehong pagkakaisa na ipinamalas sa committee level kapag pinagbotohan na ang Articles of Impeachment sa plenaryo.

Nominal voting ang gagawin sa plenaryo kaya idedeklara nila sa publiko kung susuportahan o tututulan nila ang impeachment.