
Nangako ang Roblox at Meta na paiigtingin ang kanilang safety features para sa proteksyon ng mga kabataan at kababaihan at palalakasin ang pakikipagtulungan sa mga awtoridad sa Pilipinas.
Sinabi ni DICT Sec. Henry Aguda na nangako ang META na isasama nito ang National ID sa proseso ng age verification sa kanilang platform, habang pag-aaralan naman ng Meta ang teknikal na paraan para maisama ang National ID sa kanilang age verification system.
Nangako rin ang Meta na palalakihin ang kanilang presensya sa Pilipinas, kung saan maaaring tumanggap ang kanilang tanggapan ng mga subpoena at police enforcement order upang mapabilis ang pagtugon sa mga kahilingan ng law enforcement agencies.
Magpapadala rin ang Meta ng mga eksperto at technical working group sa Pilipinas, kabilang ang pakikipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI), para makatulong sa pagtugis sa mga masasamang elemento online at pagbuo ng mga bagong batas para sa online safety.
Samantala, plano rin ng Roblox na magtayo ng tanggapan sa Pilipinas matapos nitong maitatag ang opisina nito sa Singapore.










