
Iginiit ng Office of the Ombudsman na hindi pulitikal ang paghahain ng kasong plunder at graft laban kay Senador Jinggoy Estrada at apat pang akusado kaugnay ng umano’y P573 milyong anomalya.
Ito ang naging tugon ni Assistant Ombudsman Mico Clavano sa pahayag ni Estrada na may lumapit umano sa kanya upang hikayating iwan ang Senate majority bloc kapalit ng pagbabasura sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Ayon kay Clavano, walang sinuman ang maaaring magdesisyon sa ngalan ng Ombudsman hinggil sa mga nakabinbing kaso dahil maituturing din itong isang anyo ng korapsyon.
Sinabi rin niyang matagal nang isinasagawa ang imbestigasyon sa kaso at malinaw umanong ipinapaalam sa publiko ang bawat hakbang ng proseso.
Binigyang-diin pa ni Clavano na hindi dapat paghaluin ang usapin ng pananagutan at pulitika.
Aniya, dapat ding managot ang sinumang nagtatangkang palabuin ang hangganan ng dalawang ito.
Bago ang pagsasampa ng kaso laban kay Estrada, naghain din ang mga piskal ng Ombudsman ng magkakahiwalay na kasong may kaugnayan sa mga flood control project sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang mga kasong isinampa laban kina dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, contractor Sarah Discaya, at dating senador Ramon Bong Revilla Jr., kasama ang iba pang mga akusado.
Nahaharap si Estrada at ang kanyang mga kapwa akusado sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo ng pamahalaan.










