
Pinawalang-sala ng Korte Suprema ang isang babae na nahatulan sa pagpatay sa kanyang asawa matapos kilalanin ang depensa nitong nakaranas siya ng paulit-ulit na pisikal at emosyonal na pang-aabuso o battered woman syndrome.
Sa desisyong inilabas noong Hulyo 14, pinaboran ng Second Division ng Korte Suprema ang apela ng babae na nahatulan ng Regional Trial Court noong 2020 at pinagtibay ng Court of Appeals ang hatol.
Ayon sa Korte Suprema, inamin ng babae na binaril niya ang asawa gamit ang sariling baril nito, ngunit napatunayan sa mga ebidensiya ang paulit-ulit na pang-aabusong kanyang dinanas.
Sa ilalim ng Section 26 ng Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, hindi mananagot sa kasong kriminal at sibil ang biktimang napatunayang may battered woman syndrome.
Binigyang-diin din ng korte na hindi kailangang hintayin ng isang babaeng nakararanas ng pang-aabuso na sumapit muna sa nakamamatay na pag-atake bago kumilos upang iligtas ang sarili.
Iniutos ng Korte Suprema ang agarang pagpapalaya sa babae, maliban kung may iba pang legal na dahilan upang siya ay manatili sa kustodiya.










