Isinasaalang-alang ng Japanese health and wellness technology firm na Tanita Corporation ang Pilipinas bilang posibleng lokasyon ng kanilang bagong integrated facility para sa parts processing, assembly, at inspection, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon sa DTI, maaaring makalikha ang planong proyekto ng humigit-kumulang P2 bilyong export sales at nasa 500 trabaho sa loob ng limang taon mula sa pagsisimula ng operasyon.

Napag-usapan ang posibleng pamumuhunan sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Japan kasama ang economic team ng pamahalaan na pinangunahan ni Trade Secretary Cristina Roque.

Sinabi ng Tanita na kasalukuyan nitong sinusuri ang mga bansa sa ASEAN bilang posibleng lokasyon ng kanilang “Factory No. 3,” kasunod ng mga umiiral nitong planta sa Japan at China.