
Kinuwestiyon ng Federation of Free Workers (FFW) ang isang inilabas na “workplace happiness” report ng isang online job search company, na nagsasabing masaya umano ang maraming Filipino worker sa kanilang trabaho.
Ayon kay FFW vice president Julius Cainglet, hindi tumutugma sa aktuwal na kalagayan ng labor sector ang naturang resulta dahil patuloy ang isyu sa mababang sahod, job insecurity, at labor rights violations na nakaaapekto sa produktibidad at katatagan ng workforce.
Ipinunto rin ng grupo ang ulat ng Workers Rights Watch na nagtatala ng mga kaso ng harassment, unfair labor practices, union busting, at illegal dismissal, na anila ay patuloy na hamon sa maayos na relasyon ng manggagawa at employer.
Giit pa ng FFW, posibleng limitado ang saklaw ng survey dahil sa sample size at hindi nito lubos na nasasaklaw ang mga manggagawa sa informal at low-income sectors, na malaking bahagi ng labor supply sa bansa.
Sa mas malawak na pananaw sa ekonomiya, sinabi ng grupo na ang patuloy na usapin sa kontraktuwalisasyon, wage levels, at labor disputes ay may direktang epekto sa workforce stability at consumer spending, na mahalagang salik din sa kabuuang takbo ng ekonomiya.




