Mariing umapela ang grupong Federation of Free Workers (FFW) sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng dayalogo upang marinig ang hinaing ng mga manggagawa.

Sa panayam kay President Atty. Sonny Matula, sinabi nitong hindi pa nakikipagpulong ang Pangulo sa hanay ng mga manggawa simula nang maupo sa puwesto.

Aniya, mahalagang magkaroon ng direktang usapan sa pagitan ng gobyerno, manggagawa at mga employer upang matugunan ang mga suliranin sa sektor ng paggawa.

Kabilang sa mga pangunahing panawagan ng grupo ang P200 kada araw na legislated wage increase sa buong bansa, pansamantalang pagsuspinde ng excise tax sa produktong petrolyo, at pagpapataw ng solidarity tax sa mga bilyonaryo.

Iginiit din ng grupo ang pagpababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pagpapanagot sa mga sangkot sa korapsyon.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod pa rito, nananawagan din ang FFW sa mga manggagawa na mag-organisa at magtatag ng mga unyon upang mapalakas ang kanilang boses at karapatan sa lugar ng trabaho.

Ngayong araw, nagsasagawa ng kilos-protesta ang grupo sa kahabaan ng España patungong Welcome Rotonda, kasama ang iba pang organisasyon upang ipanawagan ang kanilang mga hinaing.