Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer at manggagawa sa mga patakaran sa trabaho kapag may bagyo, malakas na pag-ulan at iba pang weather disturbances.

Sa ilalim ng Labor Advisory No. 14, Series of 2026, maaaring magsuspinde ng trabaho ang mga pribadong employer upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng kanilang mga manggagawa.

Para sa sahod, walang regular na bayad ang hindi nagtrabaho, maliban kung may mas paborableng company policy, CBA o leave credits.

Buong regular pay naman ang matatanggap ng nagtrabaho nang anim na oras o higit pa, habang proporsyonal ang bayad sa mas mababa rito.

Nilinaw din ng DOLE na ang manggagawang hindi pumasok o tumangging magtrabaho dahil sa panganib dulot ng masamang panahon ay hindi dapat patawan ng administrative sanction.

-- ADVERTISEMENT --

Sa huli, hinimok ang mga employer at manggagawa na unahin ang kaligtasan at sumunod sa mga opisyal na abiso ng mga awtoridad sa lagay ng panahon.