
Iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na umaabot umano sa 33 porsyento ang kickback sa ilang infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Taguig, dahilan umano upang magkaroon ng substandard at maging ghost projects. Sinabi ni Lacson na nakapagsumite na ang kanyang kampo sa Office of the Ombudsman ng mga dokumento, kabilang ang contract IDs, progress billing records at umano’y money trail na sumusuporta sa kanilang mga alegasyon.
Ayon kay Lacson, mula sa impormasyong ibinigay ng mga whistleblower ay natunton ng kanyang grupo ang umano’y daloy ng komisyon sa mga proyekto. Inakusahan din niya si Senador Alan Peter Cayetano na may kontrol umano sa district engineer ng DPWH sa Taguig at sinabing napapalitan o naiimpluwensiyahan ang mga opisyal na hindi sumusunod. Ipinakita rin ng kampo ni Lacson ang mga larawan at progress billing reports na umano’y nagpapakita ng paggamit ng magkakaparehong geotagged photos sa magkakaibang proyektong idineklarang natapos na at nabayaran.
Samantala, itinanggi ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga paratang at sinabing wala siyang hiniling na tigil-alitan kay Lacson. Iginiit din niya na bukas siya sa isang patas na imbestigasyon kaugnay ng mga alegasyon sa mga proyekto sa Taguig.










