Itinanggi ni Sen. Panfilo Lacson ang pahayag ni Sen. Alan Peter Cayetano na umano’y dumoble ang kaniyang net worth at sa halip ay binatikos ang umano’y P6.79 bilyong budget insertions ng senador sa 2025 national budget.

Ayon kay Lacson, wala siyang natanggap na anumang budget insertion o pork barrel mula nang maging senador at hindi rin umano siya tumatanggap ng komisyon mula sa mga proyekto ng gobyerno.

Sinabi ni Lacson na lehitimo ang kaniyang kinita sa mga pribadong negosyo matapos siyang umalis sa serbisyo publiko at maaari itong patunayan sa kaniyang income tax returns.

Ang pahayag ni Lacson ay tugon sa naging komento ni Cayetano sa isang Facebook Live kung saan kinuwestiyon nito ang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ng ilang senador, kabilang si Lacson.

Bukod dito, inakusahan ni Lacson si Cayetano ng pagkakaroon umano ng bilyon-bilyong budget insertions sa 2025 General Appropriations Act.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit din niya na may ilang proyektong konektado umano rito na hindi natapos, bagama’t wala pang inilabas na detalye.

Hindi pa nagbibigay ng tugon ang kampo ni Cayetano sa mga alegasyon ni Lacson.

Samantala, patuloy ang usapin sa umano’y budget realignments at mga iregularidad sa paggamit ng pondo ng pamahalaan kasunod ng mga imbestigasyon sa sinasabing flood control scam.