Kinumpirma ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na may umiiral na pagkilos upang mapalitan ang liderato ng Senado kasunod ng pagbubukas ng impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Ayon kay Lacson, isinusulong ng kanilang grupo na mahalal bilang bagong Senate President si Senador Sherwin Gatchalian upang magkaroon umano ng panibagong simula ang Senado. Sinabi niyang buo ang suporta ng 11 senador para kay Gatchalian dahil itinuturing nila itong “fresh face” na walang kinikilingan sa magkabilang panig.

Kabilang umano sa sumusuporta kay Gatchalian sina dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senador Migz Zubiri, Senadora Risa Hontiveros, Senador Bam Aquino, Senador Francis “Kiko” Pangilinan, Senador Lito Lapid, Senador Raffy Tulfo, Senador Erwin Tulfo, at Senador JV Ejercito.

Inihayag din ni Lacson na naging mahalaga ang muling paglitaw ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos itong bumoto pabor sa pagbabago ng liderato.

Gayunman, tumanggi si Lacson na sabihin kung may iba pa silang kinakausap na senador upang sumama sa kanilang hanay dahil sensitibo umano ang usapin.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit naman ni Lacson na hindi layunin ng kanilang grupo na gamitin ang pagbabago ng liderato upang maimpluwensyahan ang impeachment trial o isulong ang constituent assembly.

Sinabi rin niya na handa si Gatchalian na mamuno bilang presiding officer sa impeachment court at may sapat umano itong karanasan mula sa mga komiteng pinamunuan nito sa Senado.

Ayon pa kay Lacson, posibleng maantala ang trabaho ng Senado kapag nagkaroon ng pagbabago sa liderato dahil maaari ring mapalitan ang mga chairperson ng mga komite at magsimulang muli ang ilang prayoridad na panukala.

Samantala, tiniyak ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, na tagapagsalita ng House prosecution panel, na walang mababago sa mga ebidensyang ihaharap ng Kamara kahit magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado.

Kaugnay nito, hinimok din ni Senadora Imee Marcos si Senate President Alan Peter Cayetano na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control project sa pamamagitan ng pag-anyaya sa ilang dating opisyal ng gobyerno at militar.

Nakatakdang magsimula sa Hulyo 6 ang impeachment trial laban kay Bise Presidente Duterte matapos siyang ma-impeach ng Kamara sa pamamagitan ng botong 257 pabor, 25 tutol, at 9 abstention.