Pinayuhan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang mga otoridad na paigtingin ang intelligence operations sa pagtugis sa mga high-profile fugitive upang mapabilis ang kanilang pag-aresto.

Ayon kay Lacson, mahalaga ang mahusay na intelligence work at koordinasyon ng mga law enforcement agency sa paghahanap sa mga prominenteng personalidad na kasalukuyang pinaghahanap ng batas, kabilang si Senator Ronald “Bato” dela Rosa, negosyanteng si Atong Ang, dating Gen. Gerald Bantag at dating kongresistang si Zaldy Co na umano’y sangkot sa flood control scam at pinaniniwalaang nasa France.

Aniya, masasayang lamang umano ang resources ng gobyerno kung walang sapat na intelligence gathering bago magsagawa ng operasyon laban sa mga pugante.

“Dapat umagahan, pananghalian at haponan ng law enforcers ang intelligence,” diin ni Lacson, na dati ring hepe ng Philippine National Police.Philippine News

Kasabay nito, binanatan din ni Lacson ang ilang abogado dahil umano sa pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng paghahambing sa kanyang naging kaso noon at sa sitwasyon ngayon ni Dela Rosa.

-- ADVERTISEMENT --

“Hindi lahat ng abogado ay pare-pareho—may mahusay, may tamad, at may mapanlinlang,” ani Lacson.

Ipinaliwanag ng senador na magkaiba umano ang kanilang naging kalagayan dahil ang kanyang pagtatago noon ay bilang isang “fugitive from injustice” matapos umano siyang

targetin ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ayon kay Lacson, ang kanyang naging hakbang noon ay nakabatay sa umiiral na jurisprudence sa panahong iyon, na kalaunan ay binago at nilimitahan ang saklaw noong 2025.

Samantala, sinabi niyang si Dela Rosa ay nahaharap sa isang lehitimong arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y papel nito sa war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.