Huli ang isang indibidual sa aktong iligal na pagbebenta ng petrolyo sa bayan ng Piat, Cagayan.

Sa isinagawang buy-bust operation kahapon ng Piat Police Station, sa pangunguna ni PMaj Carol Jabagat, katuwang ang Bureau of Fire Protection, nahuli ang kinilalang si alyas Jomar, 38-anyos, binata, tricycle driver, at residente ng nasabing bayan, matapos na magpanggap na buyer ang isang operatiba.

Binentahan ng suspek ang posuer buyer ng isang bote ng gasolina sa halagang P100.

Nakuha rin sa kanyang pag-iingat ang siyam na bote na naglalaman ng gasolina at 12 bote ng unleaded gasoline

Matapos ang isinagawang pag-imbentaryo sa mga nasading petrolyo, ipinasakamay sa kustodiya sa Piat PNP ang suspek at mga nakumspiska na mga ebidensiya para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Ito na ang ikalawang pagkakataon na makahuli ang PNP Piat ng indibidual na iligal na nagbebenta ng petrolyo.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng PNP Piat ang publiko na iwasan ang pagbili ng gasolina mula sa hindi awtorisadong nagbebenta upang maiwasan ang anumang panganib at matiyak ang kaligtasan ng komunidad.

Inaasahan din ng PNP Piat na ito na ang huling paglabag ng ganitong uri sa nasabing bayan at patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa iligal na pagbebenta ng produktong petrolyo.