
Patay ang isang lalaki matapos siyang atakehin ng buwaya sa bakawan sa Marabajay River sa Barangay Rio Tuba, Bataraza, Palawan.
Ayon sa Coast Guard Station Southern Palawan, ang bangkay ng biktima na kinilalang si Leonard Casio, ay natagpuan matapos ang isinagawang search operation na pinangunahan ng personnel mula sa Coast Guard Sub-Station (CGSS) Rio Tuba.
Sinabi ng PCG na isang residente ng Barangay Calauag ang nagsabi sa mga awtoridad na sinakmal at tinangay ng buwaya ang biktima habang sila ay nasa bakawan.
Agad na nagsagawa ang mga awtoridad ng search and rescue, subalit naging hadlang ang operasyon dahil sa high tide, poor visibility, at mga babala mula sa mga residente na may mga buwaya sa bakawan.
Matapos na suspindihin ang search operation para sa kaligtasan ng rescue teams, muli silang kumilos hanggang sa matagpuan ang biktima matapos ang ilang oras na paghahanap.










