Handa na ang Tuguegarao Component City Police Station para tiyakin ang seguridad ng mga estudyante, guro, at mga magulang sa pagbubukas ng klase ngayong Lunes, Hunyo 8.

Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, sinabi ni Police Captain Melody Ballesteros na nakapuwesto na ang mga pulis sa paligid ng mga paaralan habang nagsasagawa rin ng regular na pagpapatrolya upang mapanatili ang kaayusan at seguridad.

Ayon kay Ballesteros, nakipag-ugnayan na rin ang kapulisan sa mga barangay officials, barangay tanod, at sa pamahalaang panlungsod upang mas mapalakas ang pagbabantay sa mga paaralan at pangunahing lansangan sa lungsod.

Kabilang sa mga paghahandang ipatutupad ng pulisya ang road clearing operations upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa unang araw ng pasukan.

Nanawagan din ang opisyal sa mga magulang at tagahatid ng mga estudyante na pairalin ang “drop and go” scheme upang hindi makadagdag sa trapiko sa paligid ng mga paaralan.

-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala rin ang pulisya na mahaharap sa kaukulang aksyon at posibleng pagkakaisa-ticket ang mga motoristang lalabag sa mga ipatutupad na regulasyon sa kalsada.

Samantala, sinabi ni Ballesteros na nakahanda rin ang Police Community Affairs and Development Unit upang magsagawa ng information campaign sa mga paaralan sa pamamagitan ng pamamahagi ng flyers at pagbibigay ng hotline numbers na maaaring tawagan ng mga estudyante at guro sakaling mangailangan ng tulong.

Kabilang sa mga binabantayang banta ng pulisya ang pagnanakaw, bullying, ilegal na droga, at iba pang insidenteng maaaring makaapekto sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Nakikipag-ugnayan din ang kapulisan sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga organisasyon, pribadong grupo, at lokal na pamahalaan, upang matiyak ang maayos at ligtas na pagbubukas ng klase.

Ayon pa kay Ballesteros, nananatiling maayos ang peace and order situation sa lungsod bago ang pagbubukas ng klase at wala namang naitalang seryosong insidente kaugnay ng katatapos na Brigada Eskwela.