Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagpili ng isang “like-minded president” o isang susunod na pinuno na may katulad na bisyon sa darating na 2028 elections.

Sa isang forum sa Makati City, ipinaliwanag ng Pangulo na mahalaga ito upang matiyak ang pagpapatuloy ng mga nasimulang reporma at hindi masayang ang mga positibong epekto ng kanyang mga programang pang-ekonomiya at panlipunan.

Ayon sa punong ehekutibo, madalas kasing nagiging biktima ng politika ang mga proyekto ng nagdaang administrasyon na tinitigil lamang dahil sa batikos ng mga kalaban, isang sistemang nais niyang iwasan sa pambansang antas.

Nilinaw ni Marcos na ang kanyang pananatili sa puwesto ay nakasentro sa pagsusulong ng mga structural reforms na magpapalakas sa ekonomiya at hihikayat ng mas maraming investors sa bansa, sa halip na para sa pansariling interes.

Ipinagmalaki rin niya ang pagpapalawak ng mga serbisyo sa edukasyon, kalusugan, at mga social benefits upang direktang maramdaman ng taumbayan ang mga benepisyo at maging mahirap itong buwagin ng susunod na pamunuan.

-- ADVERTISEMENT --

Bagaman aminadong mahirap ipaliwanag sa publiko ang mga teknikal na usapin tulad ng inflation at GDP growth, nananatili ang kanyang pokus sa pagpapatatag ng pundasyon ng bansa para sa hinaharap.