TUGUEGARAO CITY-Halos hindi makilala ang isang lola matapos na kasamang nasunog sa kanyang bahay sa Sitio Macabebe, Dalauig, Alcala, Cagayan.
Ayon kay SFO2 Joel Cauilan ng BFP Alcala, nangyari ang sunog ng madaling araw kahapon, March 28 subalit pasado 6:00 na ng maipaalam ito sa BFP dahil mahina ang cellphone cignal sa lugar.
Sa imbestigasyon, posibleng nasagi ng 79-anyos na si Carmen Socoro ang gasera sa kanyang bahay at mabilis nagliyab ang apoy dahil gawa lamang sa light materials ang kanyang bahay na sinabayan pa ng malakas na hangin.
Dahil sa edad at mahinang paningin ay hindi agad nakalabas sa kanyang bahay ang lola na maaaring sinubukan pang lumabas ngunit inabutan siya ng apoy dahil sa nakita ang kanyang nasunog na katawan malapit sa pintuan.
Sinabi ni Cauilan na walamg kasama ang matanda at wala ring kuryente sa kanyang bahay kung saan gumagamit lamang ito ng kandila o gasera.
Tinatayang nasa humigit kumulang P30,000 ang iniwang pinsala ng nasabing sunog.