
Iimbitahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang ahensya ng pamahalaan sa susunod na pagdinig kaugnay ng mga petisyon para sa dagdag-pasahe ng mga transport group.
Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, kabilang sa iimbitahan ang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Energy (DOE) upang magbigay ng pananaw sa epekto ng posibleng fare increase.
Sinabi ni Mendoza na kailangang beripikahin ang mga datos na inihain ng mga transport group tungkol sa kanilang gastusin sa operasyon at kita ng mga tsuper.
Susuriin din umano ang epekto ng anumang dagdag-pasahe sa ekonomiya at kakayahang bumili ng publiko.
Kabilang sa mga naghain ng fare hike petition ang mga grupo ng jeepney, bus, UV Express, taxi, at motorcycle taxi.
Humihiling ang ilan ng dagdag na pasahe dahil sa pagtaas ng presyo ng langis dulot ng mga kaganapan sa pandaigdigang merkado.









