Makikipagpulong ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga transport group sa Lunes upang talakayin ang kanilang mga petisyon para sa dagdag-pasahe.

Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, kasama sa pag-uusapan ang mga petisyon ng jeepney, UV Express, motorcycle taxi, at taxi operators.

Dadalo rin ang commuter groups upang magtanong at ihayag ang kanilang mga pangamba.

Sinabi ni Mendoza na pagkakataon ito para maipaliwanag ng mga naghain ng petisyon ang kanilang mga dahilan, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina.

Kabilang sa mga grupong naghain ng fare hike petition ang PISTON, Manibela, at iba pang transport organizations.

-- ADVERTISEMENT --

Humihiling ang ilan ng dagdag-pasahe mula P2 hanggang P10.

Ayon sa LTFRB, isasaalang-alang nila ang kakayahan ng mga pasahero na tustusan ang dagdag-gastos at ang posibleng epekto nito sa presyo ng mga pangunahing bilihin bago magdesisyon.