Patay ang mag-ama matapos salpukin ng pick-up ang kanilang sinasakyang tricycle sa Brgy. Gosi Norte, Tuguegarao City.

Ayon kay PLT Rosemarie Taguiam, tagapagsalita ng PNP Tuguegarao, kinilala ang mga nasawi na sina Rodolfo Galang, 56-anyos, retired PNP member kasama ang kaniyang anak na si Karen Galang, 24-anyos na kapwa residente ng Brgy. Cubag, Cabagan, Isabela.

Aniya, batay sa imbestigasyon ng pulisya binangga ng pick-up na minamaneho ni Police Master Sergeant Ryan Binalay, nakatalaga sa Isabela Provincial Crime Laboratory at residente ng Brgy. Balog, Tumauini, Isabela ang kasalubong na tricycle na minamaneho naman ni Galang.

Galing umano sa lungsod ng Tuguegarao at papasok sana sa kaniyang trabaho si Binalay habang ang amang Galang ay ihahatid naman ang kaniyang anak na nagtatrabaho sa Cagayan Valley Medical Center.

Nabatid na naipit ang mag-ama matapos na tumaob ang sinasakyang tricycle dahil sa lakas ng impact ng pagkabangga sa kanila.

-- ADVERTISEMENT --

Sinubukan pang isugod sa pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang deas on arrival dahil sa matinding sugat sa kanilang katawan.

Inihayag ni Taguiam na nawalan ng control sa manibela ang driver ng sasakyan at posible umanong matulin ang patakbo nito kaya’t sumalpok sa kasalubong na tricycle na dumiretso pa sa shoulder ng daan matapos ang insidente.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property ang pulis na ngayon ay hawak ng mga otoridad.