
Tinawag ni House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong na “unfair” at irresponsible ang pahayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na 90 percent ng mga kongresista ang maituturing na “corrupt”.
Sa pulong balitaan, hinamon ni Adiong si Magalong na patunayan ang kanyang mga alegasyon lalo’t hindi umano tama na idamay ang buong institusyon.
Dapat aniyang husgahan sila base sa indibidwal na mga gawain kaya pangalanan na sana ng alkalde ang mga pinaniniwalaan nitong tiwali.
Paliwanag nito, hindi tama na i-brand o ilarawan ang mga mambabatas na nakatutok sa pangkalahatang akusasyon.
Bagama’t kinikilala ni Adiong ang adbokasiya ni Magalong laban sa korapsyon, kailangan umanong suportado ng facts ang anumang maling gawain sangkot ang mga partikular na personalidad.
Bukod dito, ibinida ng Mindanao lawmaker na isinusulong ng Kamara ang pananagutan sa gobyerno nang may due process
Binanggit niya ang mga imbestigasyon sa Kamara bilang halimbawa ng pagsisikap na suriin ang mga maling gawain sa gobyerno.










