
Umabot na sa 1,642,837 public utility vehicle (PUV) drivers sa buong bansa ang nakatanggap ng tig-P5,000 cash relief assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang ayuda sa epekto ng mataas na presyo ng langis.
Ayon sa DSWD, patuloy pa rin ang pamamahagi ng cash aid alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matiyak na lahat ng kwalipikadong drayber ay mabibigyan ng tulong.
Sa kabuuan, mahigit P8.2 bilyon na ang naipamahaging ayuda sa mga benepisyaryo.
Kabilang sa mga nakatanggap ng ayuda ang 1,120,845 tricycle drivers, 248,660 service delivery drivers, 116,301 public utility jeepney (PUJ) drivers, 88,769 motorcycle taxi drivers, at 68,262 transport network vehicle services (TNVS) drivers.
Sinabi rin ng DSWD na pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad ng ikalawang bugso ng cash relief assistance para sa sektor ng transportasyon, depende sa magiging galaw ng presyo ng produktong petrolyo sa mga susunod na araw.
Ang P5,000 cash aid ay ipinagkakaloob sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program at bahagi ng UPLIFT framework ng administrasyong Marcos upang mabawasan ang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan sa presyo ng langis at ekonomiya ng bansa.










