
Mahigit 100 pasahero at crew ang ligtas na nasagip matapos sumadsad sa mababaw na bahagi ng dagat ang isang RoRo ferry sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro.
Ayon sa Philippine Coast Guard, sumadsad ang MV RoRo Master 5 bandang alas-12:45 ng madaling araw, may 30 metro lamang ang layo mula sa pampang ng Barangay Udalo. Galing sa Batangas Port ang barko.
Gumamit ang mga rescuer ng apat na life raft at lifeline para mailikas ang mga sakay ng barko. Walang nasaktan, bagama’t isang babae ang hinimatay sa takot at dinala sa ospital.
Sinabi ng PCG na nagkaroon ng problema sa gyrocompass ng barko na posibleng naging dahilan ng pagsadsad. Wala namang naitalang oil spill o pagpasok ng tubig sa barko.










