Iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pangako ng kaniyang administrasyon na palakasin ang kakayahan at kahandaan ng Philippine Coast Guard (PCG) upang mas mahusay na matugunan ang mga lumalalang hamon sa karagatan.

Sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng PCG nitong Biyernes, Oktubre 16, pinuri ng Pangulo ang mga tauhan ng ahensiya sa pagbabantay sa karagatan ng bansa, pagprotekta sa buhay at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Pilipino sa panahon ng panganib.

Binigyang-diin din ni Marcos ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa mga international partner upang mapangalagaan ang karagatan, habang nananatiling pangunahing gabay ang pambansang interes ng Pilipinas.

Ayon sa Pangulo, nagsagawa ang PCG ng mahigit isang milyong inspeksiyon sa mga sasakyang pandagat bago bumiyahe sa mga pantalan sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Nakapagsagip o nakapagsagawa rin ang ahensiya ng paunang paglikas sa halos 95,000 katao sa pamamagitan ng search-and-rescue operations. Bukod dito, nakatulong ang PCG sa halos 138,800 indibidwal sa panahon ng mga kalamidad at emergency.

-- ADVERTISEMENT --

Kinikilala rin ang PCG sa mga hakbang nito para pangalagaan ang kapaligirang pandagat at biodiversity, kabilang ang paglilinis ng mga baybayin at pagtatanim ng mga puno.