
Opisyal nang binuksan ang 66th Palarong Pambansa sa Agusan del Sur, kung saan tinatayang 13,000 delegado mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang lumahok sa taunang palaro para sa mga elementarya at high school student-athletes.
Isinagawa ang opening ceremonies nitong Linggo sa Datu Lipus Makapandong Governor D.O. Plaza Sports Complex sa bayan ng Prosperidad. Nagsimula ang programa sa isang air exhibition ng Philippine Air Force, bago ang tradisyunal na parade of colors ng mga atleta.
Naunang pumasok sa stadium ang mga atleta ng Paragames, sinundan ng mga delegado mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Cordillera Administrative Region (CAR), National Capital Region (NCR), Negros Island Region (NIR), at iba pang rehiyon sa bansa.
Lumahok din sa parada ang mga kinatawan mula Regions I hanggang XIII, kasama ang mga delegado ng National Academy of Sports at Philippine Overseas Schools.
Pinangunahan ni pencak silat athlete Precious Hope Sumile Maghuyis ang Oath of Sportsmanship, habang si Olympic gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo naman ang nanguna sa Oath of Officiating Officials.
Ang Palarong Pambansa ngayong taon ay tampok ang 24 regular sports, tatlong demonstration sports, at apat na exhibition sports.








