Mahigit 40 pusang ninakaw ang muling naibalik sa kanilang mga may-ari matapos mabuwag ng mga awtoridad sa Vietnam ang isang sindikatong sangkot sa pagnanakaw at pagbebenta ng mga pusa para katayin at gawing pagkain.

Ayon sa pulisya, siyam na katao ang inaresto kaugnay ng operasyon laban sa grupo na umano’y tatlong taon nang nagnanakaw ng mga alagang pusa sa iba’t ibang lugar sa timog bahagi ng bansa.

Nasagip ng mga awtoridad ang mahigit 400 buhay na pusa at nadiskubre rin ang 80 patay na pusa na nakaimbak sa yelo.

May karagdagang 21 pusa rin na narekober mula sa isa pang pasilidad.

Batay sa imbestigasyon, gumagamit umano ang mga suspek ng mga patibong upang makahuli ng mga pusa bago dalhin ang mga ito sa mga lugar kung saan kinakatay ang mga hayop.

-- ADVERTISEMENT --

Pinuri naman ng animal welfare group na Humane World for Animals ang mabilis na aksyon ng mga awtoridad na nagligtas sa daan-daang hayop.

Gayunman, iniulat ng grupo na nasa 100 sa mga nasagip na pusa ang kalauna’y namatay dahil sa matinding kondisyon na kanilang naranasan.

Patuloy naman ang mga hakbang upang mahanap at maibalik sa kanilang mga pamilya ang iba pang mga pusang nasagip sa operasyon.