Iginiit ng Department of Agriculture (DA) na target nitong palakasin ang enforcement ng mga kontrata sa rice suppliers ng Vietnam sa gitna ng mga isyung bumabalik kapag tumataas ang presyo sa merkado, kung saan umano ay may mga pagkakataong kumakalas sa kasunduan ang panig ng Vietnam.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng hakbang na magkaroon ng mas maaasahang trading arrangements sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam, lalo na sa sektor ng bigas na isa sa pinakamalaking bahagi ng importasyon ng bansa.

Kasabay nito, binigyang-diin ng DA ang plano ng Pilipinas na bawasan ang trade deficit sa Vietnam at palakasin ang export performance ng bansa sa pamamagitan ng mas organisadong sistema ng bilateral trade agreements.

Tinalakay ang isyu matapos ianunsyo nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vietnam President Tô Lâm ang pagpapalakas ng economic at diplomatic relations ng dalawang bansa, kabilang ang target na palawakin ang kalakalan lampas sa $10 billion.

Sinabi rin ng Vietnam trade officials na dadalhin ang usapin sa kanilang kaukulang ahensya para sa mas malalim na pag-uusap, habang isinusulong ng dalawang bansa ang pagpapalakas ng joint trade at agriculture committees para tugunan ang mga concern sa implementasyon ng kasunduan.

-- ADVERTISEMENT --