
Makikinabang ang mahigit 583,000 military at uniformed personnel (MUP) sa 5% dagdag sa kanilang basic pay simula Enero 2027, kasabay ito ng pagpapatuloy ng P350 arawang subsistence allowance.
Batay sa panukalang 2027 national budget, naglaan ang gobyerno ng P73.67 bilyon para sa subsistence allowance ng mga MUP, bukod pa sa pondo para sa suweldo, healthcare at iba pang benepisyo.
Samantala, nakatakdang umakyat sa P316.71 bilyon ang budget ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang ang P50 bilyon para sa modernization program upang mapalakas ang kagamitan at kakayahan ng militar.
Para naman sa Philippine National Police (PNP), P242.53 bilyon ang panukalang pondo, kabilang ang halos P700 milyon para sa pagkuha ng karagdagang 2,000 patrolmen at patrolwomen.
May nakalaan din na pondo para sa rice subsidy, healthcare ng mga pulis at kanilang dependents, gayundin sa kagamitan, komunikasyon at iba pang pangangailangan ng PNP.









