
Matatanggap na ng mga kawani ng gobyerno, kasama na ang mga military at uniformed personnel, ang kanilang mid-year bonus simula ngayong Biyernes, Mayo 15.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), kabuuang P73.456 billion ang inilaan para sa mid-year bonus na pakikinabangan ng mahigit 1.9 milyong mga kawani ng gobyerno.
Sinabi ni DBM Secretary Rolando Toledo na napapanahon ang pagpapalabas sa mid-year bonus bilang pagkilala ng administrasyon sa sakripisyo at dedikasyon ng mga kawani ng gobyerno sa buong bansa.
“Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,nananatiling prayoridad ng administrasyon ang kapakanan ng ating mga lingkod-bayan,” ani Toledo.
Ang mid-year bonus ani Toledo ay simpleng pasasalamat ng gobyerno para sa mga masisipag at tapat na naglilingkod sa bayan.
Ang mid-year bonus ay katumbas ng isang buwang sahod at ibibigay sa mga kawani na nakatugon sa mga itinakdang pamantayan sa ilalim ng DBM Budget Circular 2017-2 para sa mga regular na kawani, contractual at casual positions.









