TUGUEGARAO CITY-Nakatakdang kasuhan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang dalawang katao na nahuli sa drug buy bust operation sa bayan ng Claveria, Cagayan.

Sinabi ni PCPL Chelvin Calantes ng PNP Claveria, matapos ang mahabang panahon na pagmamanman sa 24 anyos na suspek na residente ng Brgy. San Antonio, Claveria at 37 anyos na residente ng Santa Praxedes ay nahuli din ang mga ito sa Barangay D Leano.

Ayon kay Calantes, nakuha sa pag-iingat ng dalawa ang 60 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P408, 000 at marijuana na 6 kilos na nagkakahalaga ng P720, 000 na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng mahigit P1m.

Sinabi ni Calantes na sa interogasyon sa dalawa ay galing umano sa Manila ang mga nasabing iligal na droga at mayroon silang buyer dito sa Cagayan.