Arestado ang isang 39-anyos na tumatakbong konsehal at ang kanyang 32-anyos na driver matapos isilbi ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang search warrant sa San Francisco, Dagupan West, Tabuk City.

Ayon kay Kalinga Police Provincial Director, Police Colonel James Mangili, tumagal ng halos limang oras ang operasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P1 million.

Bukod sa droga, narekober din ang tatlong baril na kinabibilangan ng isang 9mm pistol, dalawang klase ng 9mm snub nose revolver, kasama ang mga magazine, bala, at ilang drug paraphernalia.

Sa ngayon inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa kanila.