
Nanindigan ang Malacañang na nananatiling maayos ang peace and order sa bansa sa kabila ng sunod-sunod na naiuulat na mga krimen nitong mga nakalipas na araw.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi ikinatutuwa ng pamahalaan ang mga insidente ng krimen, ngunit umaasa ang Malacañang sa ulat ng Philippine National Police (PNP) na nagsasabing bumaba ng 20.6 porsiyento ang crime rate sa bansa nitong mga nakalipas na buwan.
Sinabi ni Castro na mas nabibigyang-pansin lamang ang mga insidente dahil sa malawak na pagbabalita ng media.
Idinagdag niya na mayroon pa ring mga lugar sa bansa na walang naitatalang krimen at mabilis ding nakatutugon ang pulisya sa mga naiuulat na insidente.
Sa kabila ng pangamba ng ilang sektor ukol sa seguridad, iginiit ng Malacañang na iba ang ipinakikita ng datos ng PNP.
Ayon pa sa Palasyo, nagpapatuloy ang mga operasyon ng pulisya upang mapigilan ang kriminalidad at mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng publiko.










