Ipinaubaya ng Malacañang sa Senado ang magiging desisyon sa posibleng pagpapalabas ng subpoena laban kay Vice President Sara Duterte para pilitin siyang tumestigo sa sarili niyang impeachment trial.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, nasa impeachment court ang pagpapasya sakaling pormal na hilingin ng House prosecution panel na humarap sa witness stand ang Bise Presidente upang linawin at patunayan ang kaniyang pahayag na inosente siya sa mga alegasyon laban sa kaniya.

Sinabi ni Castro na posibleng nais ng prosecution na tumestigo mismo si Duterte dahil dati na umano nitong ipinahayag ang kahandaang harapin at sagutin ang mga alegasyon na ibinabato laban sa kaniya.

Samantala, sinabi ni impeachment court spokesperson Regie Tongol na posibleng magkaroon ng oral arguments sakaling pormal na humiling ang prosecution ng subpoena laban kay Duterte.

Layunin ng subpoena na obligahin ang Bise Presidente na dumalo at tumestigo sa paglilitis, bagama’t ang magiging aksyon dito ay nakasalalay sa desisyon ng impeachment court.

-- ADVERTISEMENT --