
Ipinauubaya ng Malacañang sa Senado ang magiging desisyon sakaling humiling ang House prosecution panel ng subpoena para piliting humarap si Vice President Sara Duterte bilang testigo sa sarili niyang impeachment trial.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, nasa Senado ang pagpapasya kung pagbibigyan ang kahilingan ng prosecution na ipatawag si Duterte sa witness stand upang patunayan at kumpirmahin ang kanyang pahayag na inosente siya sa mga alegasyon laban sa kanya.
Sinabi rin ni Castro na posibleng dahilan ng prosecution ang nauna nang pahayag ni Duterte na handa siyang humarap at linawin ang mga isyung ibinabato laban sa kanya.
Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng impeachment court na si Regie Tongol na maaaring magkaroon ng oral arguments kung pormal na hihiling ang prosecution ng subpoena para mapilitang dumalo si Duterte sa paglilitis.
Hindi naman masabi ng Malacañang kung haharap si Duterte sa impeachment trial sakaling maipalabas ang subpoena, dahil nakadepende pa rin ito sa magiging desisyon ng Senado.









