
Tiniyak ng Malacañang Palace na hindi palalampasin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, inatasan na ng Pangulo ang mga kaukulang ahensya kabilang ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police upang magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa nangyaring kaguluhan.
Sinabi rin ni Castro na agad umanong inalam ng Pangulo ang detalye ng insidente sa unang araw pa lamang ng pamamaril at nagbigay ng direktiba na tukuyin at papanagutin ang mga responsable.
Samantala, nanindigan ang Malacañang at si Jonvic Remulla na walang naganap na pag-atake sa Senado, taliwas sa naunang pahayag ng ilang opisyal ng mataas na kapulungan.
Naganap ang insidente habang nasa protective custody ng Senado si Ronald dela Rosa kaugnay ng posibleng pag-aresto sa kaniya batay sa warrant na inilabas ng International Criminal Court o ICC.









