
Posibleng makaranas ang mga motorista ng malakihang bawas-presyo sa produktong petrolyo sa unang linggo ng Hunyo, batay sa industry source.
Ayon sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at foreign exchange averages, inaasahang bababa ang presyo ng diesel ng ₱6.50 hanggang ₱7.50 kada litro, habang ang gasolina ay maaaring bumaba ng ₱3.50 hanggang ₱4.50 kada litro.
Sinabi ng source na ang inaasahang rollback ay dulot ng pagbuti ng market sentiment kaugnay ng usapin sa pagitan ng US at Iran at posibleng pagbubukas muli ng Strait of Hormuz, na nakaaapekto sa supply outlook ng langis.
Dagdag pa rito, inaasahang luluwag din ang supply sa diesel market habang ang gasolina sa Asia ay posibleng manatiling limitado ngunit may tsansang bumaba pa rin ang presyo dahil sa mga kamakailang pangyayari sa Middle East.
Nitong nakaraang linggo, nagtaas ng presyo ang mga produktong petrolyo: ₱1.60 sa gasolina, ₱1.96 sa diesel, at ₱1.45 sa kerosene.




