Nasagip ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Pilipina na hinihinalang biktima ng human trafficking at illegal recruitment sa NAIA Terminal 3 noong July 23 at 24.

Sa imbestigasyon, sinabi ng 39-anyos na pasahero na magbabakasyon lamang siya sa Malaysia.

Ngunit kalaunan, inamin niyang ang tunay niyang destinasyon ay Pakistan kung saan siya umano ay pinangakuang magtatrabaho bilang cleaner.

Lumabas din na may ibang taong nagbibigay sa kanya ng mga tagubilin sa biyahe.

Samantala, ang 25-anyos na pasahero ay unang nagsabing pupunta lamang sa Thailand bilang turista.

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit inamin din niyang Myanmar ang tunay niyang pupuntahan matapos siyang alukin ng trabaho sa isang online gaming hub na may sahod na 1,500 US dollars kada buwan.

Aniya, nakita niya ang alok sa isang Telegram group sa social media.

Kapwa isinailalim sa pangangalaga ng IACAT ang dalawang babae habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa mga umano’y recruiter nila.