Nagmartsa ang mga maliliit na mangingisda mula sa iba’t ibang lalawigan patungo sa Department of Agriculture (DA) nitong Lunes, ilang oras bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., upang ihayag ang kanilang mga hinaing sa sektor ng pangingisda.

Sa isinagawang State of the Fisherfolk Address (SOFA) na pinangunahan ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) at Katipunan ng mga Kilusan ng Artisanong Mangingisda sa Pilipinas (KKAMPI)

Iginiit ng mga mangingisda ang kanilang pagtutol sa pagpasok ng malalaking commercial fishing vessel sa municipal waters, mga reclamation project na umano’y sumisira sa kanilang pangisdaan, at lumalawak na presensya ng militar ng Estados Unidos sa ilang baybaying lugar.

Ayon kay Pamalakaya vice chairperson Ronnel Arambulo, layunin ng kanilang pagkilos na ipakita ang tunay na kalagayan ng mga mangingisda, na aniya’y malayo sa inilalarawan ng pamahalaan.

Binatikos din ng grupo ang mga planong economic security zone at mga military exercise sa Cavite at Zambales na umano’y nakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda dahil sa mga ipinatupad na no-sail zone.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos ang protesta sa DA, nagtungo ang mga grupo sa Commonwealth Avenue upang makiisa sa multisectoral protest kasabay ng paghahatid ng Pangulo ng kanyang ikalimang SONA.