
Mariing itinanggi ni Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, ang umano’y pagkakasangkot sa P6.7 bilyong bank transactions na iniulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), at tinawag itong “fake” at isang “blatant lie.”
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Peter Paul Danao, misleading umano ang halagang inilabas sa pagdinig ng Kamara dahil ito ay kabuuang halaga lamang ng mga transaksyon at hindi nangangahulugang aktuwal na yaman.
Ipinaliwanag ng kampo ni Carpio na pinagsama-sama lamang ng AMLC ang iba’t ibang galaw ng pondo kaya lumaki ang kabuuang halaga. Anila, “bloated” ang naturang figure at hindi sumasalamin sa tunay na financial standing ni Carpio.
Nagbabala rin ang kanyang mga abogado sa posibleng paglabag sa karapatan sa privacy at due process, lalo na sa pagbubunyag ng mga bank records. Ayon sa kanila, maaari itong magdulot ng pangamba sa publiko at sa industriya ng pagbabangko.
Giit ng kampo ni Carpio, ang ganitong hakbang ay maaaring magbukas ng mapanganib na precedent at makasira sa tiwala ng mamamayan sa sistemang pinansyal ng bansa.




