Hinikayat ni Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice si dating Interior secretary Mar Roxas na tumakbo sa pagkapangulo sa halalan sa 2028.

Sa isang panayam, sinabi ni Erice na personal niyang kinukumbinsi si Roxas na muling sumabak sa presidential race, at may iba pang grupo na nais din itong hikayatin.

Ayon pa kay Erice, kilala niya si Roxas bilang isang lider na may malasakit sa bayan at hindi umano ito tatanggi kung tatawagin ng taumbayan.

Matatandaang tumakbo si Roxas sa pagkapangulo noong 2016 ngunit natalo kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Inamin ni Erice na nasaktan si Roxas sa naturang pagkatalo, ngunit nananatili umano ang hangarin nitong maglingkod sa bansa.

Samantala, sinabi rin ni Erice na malinaw na ayaw nang tumakbo ni dating Bise Presidente Leni Robredo sa 2028 at hindi na ito dapat pilitin.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang nagpahayag si Bise Presidente Sara Duterte ng intensyon na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028, bagama’t kasalukuyan itong nahaharap sa mga reklamong impeachment.