
Inirekomenda ng Field Investigation Bureau ng Ombudsman ang pagsasampa ng reklamong plunder, bribery, at indirect bribery laban kay Senador Rodante Marcoleta kaugnay ng umano’y pagtanggap nito ng P75 milyong campaign donations noong nakaraang taon.
Batay sa complaint-affidavit na pirmado noong Mayo 18, kasama ring inirerekomendang sampahan ng kaso sina dating Quezon City 2nd District Representative Mike Defensor, Joseph Espiritu, at Aristotle Viray bilang mga co-conspirator.
Ayon sa Ombudsman, inamin ni Marcoleta sa naging imbestigasyon ng Comelec na tumanggap siya ng magkakahiwalay na donasyon mula kina Defensor, Espiritu, at Viray noong Enero 2025 na umabot sa kabuuang P75 milyon.
Bagamat walang nakitang election offense ang Comelec kaugnay ng hindi pagdeklara ng donasyon sa Statement of Contributions and Expenditures o SOCE, sinabi ng Ombudsman na maaari pa rin itong magresulta sa criminal at administrative liabilities.
Sa panig ni Defensor, kinuwestiyon nito ang reklamong plunder at iginiit na walang pondong gobyerno ang sangkot sa naturang donasyon.




